-- Advertisements --
100685347 575556606693803 8326563250334334976 n

Kasabay ng unang araw ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa buong National Capital Region (NCR) ay ang pagkakaroon din ng kasunduan sa pagitan ng lungsod ng Bacoor at iba’t ibang delivery services.

Inilunsad noong ika-29 ng Mayo ang kauna-unahang Webinar para sa Bacoor Economic Sector na kung saan binigyang-linaw ang mga panuntunan sa mga karagdagang negosyo na magbubukas ngayong unang araw ng GCQ sa Bacoor.

Naibahagi sa naturang pagpupulong na kailangan umanong mas palawigin pa ang mga delivery services para maghatid ng mga bilihin tulad ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan.

Bilang tulong na rin sa daan-daang tricycle drivers na lubhang naapektuhan noong ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong NCR ay minabuti ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla na magkaroon ng kasunduan sa mga delivery services tulad ng Food Panda PH, Joyride, at Happy Move PH.

Pangunahing layunin umano ng proyektong ito ay ang mabigyan ng dagdag pagkakakitaan ang mga tricycle drivers sa nasabing lungsod. Ito ay sa pamamagitan ng pagko-convert ng kanilang mga tricycle para gawing delivery motorcycles ay mas madaragdagan ang kanilang kikitain sa araw-araw kumpara sa kanilang limitadong pagpasada sa tricycle noong panahon ng GCQ.

Ayon kay Mayor Lani, prayoridad umano nito na unang mabigyan ng tulong ang mga taga-Bacoor na nasa sektor ng transportasyon na isa sa pinaka-naapektuhan ng community quarantine. Karamihan kasi ng mga drivers ay umaasa lamang sa kanilang kinikita araw-araw mula sa kanilang pagbyahe kung kaya’t malaking dagok para sa kanila ang halos tatlong buwang hindi pagpasada.

Dagdag pa ng alkalde, “hitting three birds in one stone” umano ang kanilang hakbang dahil hindi lamang sila nakatulong na mapanatili sa loob ng kani-kanilang mga bahay ang mga taga-Bacoor ay nakapagbigay din sila ng dagdag serbisyo para sa mga negosyante at gayundin ang hanapbuhay para sa mga tricycle drivers.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ng Public Emploemnet Service Office ng Bacoor sa pamumuno ni Dr. Bob de Castro.

“Ngayong nasa GCQ na ang Bacoor, ibayong pag-iingat pa din ang ating laging pinapaalala sa ating mga kababayan. Ipagpapatuloy natin ang ating mga social distancing measures tulad ng Barangay Clustering Schemes sa mga palengke, malls, groceries at supermarkets. May Quarantine Pass at iba pang tipo ng passes na tayong ipapatupad. Kahit na may pampublikong transportasyon na, inaasahan natin na limitado pa din ang operasyon nito dahil sa social distancing.” paalala ng Alkalde.

“Hindi tayo magiging kampante, bagkus ay mas hihigpitan natin ang ating mga panuntunan hanggang sa masanay na ang ating mga kababayan sa minimithi nating ‘new normal’ sa hinaharap. Ipagpapatuloy natin ang ating mga naumpisahan para labanan ang Covid-19. Kapit lang tayong lahat. Sama-sama, tulong-tulong at malalagpasan din natin ito.” pagtatapos ni Mayor Lani.

Tinatayang aabot ng 25,000 kada buwan ang kikitain mula rito ng mga tricycle drivers depende pa raw ito sa bilang ng orders na kanilang tatanggapin. Maari naman silang lumabas ng lungsod at nakahanda ang mga delivery services na i-compensate ang distansya na kanilang itatakbo.

Sa ngayon, may kabuuang 124 kaso ng COVID-19 ang naitala sa Lungsod ng Bacoor kung saan 45 ang active cases, 11 katao ang namatay at 68 ang naka-recover.

Mananatiling nasa GCQ ang Baccor mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 15, 2020.