Pumanaw ang unang Philippine eagle chick ng bagong National Bird Breeding Sanctuary (NBBS) sa Davao City, ayon sa Philippine Eagle Foundation (PEF).
Namatay ang 18-day-old na lalaking agila noong Nobyembre 29.
“With profound sadness, we share the passing of Chick 30, one of our most cherished Philippine Eagle hatchlings,” sinabi ng foundation sa kanilang post.
Sinabi ng PEF na si Chick 30, ang supling ni Sinag at Pin-pin, ay unang nagpakita ng normal behavior at feeding patterns.
Gayunpaman, noong Nobyembre 26, nagsimula raw itong magpakita ng respiratory distress, kabilang ang hirap sa paghinga at pagbahing. Ang mga agarang interbensyon, tulad ng oxygen therapy at fluid suctioning, ay nagpatatag sa kanyang kalagayan.
Napisa si Chick 30 noong Nobyembre 11, kaya ito ang kauna-unahang Philippine eagle chick na napisa sa sanctuary, na noong Pebrero lamang nag-operate.