-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Inaasahang lalo pang magpapalakas ng turismo sa Isla ng Boracay ang pagsasagawa sa kauna-unahang pagkakataon ng Puka Shell Festival na magsisimula Pebrero 9 hanggang 11 ng kasalukuyang taon.

Ito ang inihayag ni Yapak barangay kagawad Fernando delos Reyes.

Aniya sa pamamagitan ng isang ordinansa ay itinakda ang festival kasabay ng kanilang kapiyestahan ng Our Lady of Lourdes.

Umaasa umano silang lalo pang bubuhos ang mga turista dahil sa festival.

Nabatid na natengga ang pagsasagawa ng naturang festival na unang inilunsad noong 2020 dahil sa pagtama ng pandemya dulot ng COVID-19.

Dagdag pa nito na batay sa kasaysayan, nagsimula ang sibilisasyon sa Boracay sa Barangay Yapak dahil sa tradisyon ng pangongolekta ng mga puka shells para sa barter trade noong 1970s.

Malaki aniya ang papel na ginagampanan ng puka shells sa ekonomiya ng mga residente ng Yapak na nagsisilbi nilang hanapbuhay lalo na sa paggawa ng mga accessories tulad ng kwentas at bracelet bilang souvenir items.

Dahil umano sa praktis na pagkolekta ng puka shells ay naging sikat ang komunidad na nagresulta sa pagdayo ng mga tao mula sa katabing mga bayan upang manguha ng shells.

Diin pa ni kagawad delos Reyes na ang pinaigting na turismo sa kanilang barangay ay magreresulta sa pag-unlad ng ekonomiya at dagdag na trabaho sa lalawigan ng Aklan.