-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pormal ng sinampahan ng kaso ng Criminal Investigation and Detection Group ang kauna-unahang Punong Barangay sa lungsod ng Iloilo dahil umano sa paglabag sa Anti Graft and Corrupt Pracitices Act at Bayanihan to Heal as One Act kaugnay sa cash distribution sa Social Amelioration Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Col. Gervacio Balmaceda, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group 6, sinabi nito na maliban sa paglabag sa nasabing mga batas, nahaharap rin sa administrative case si Punong Barangay Joseph Poral ng Tacas, Jaro, Iloilo City.

Ayon sa complainant, kinasela umano ni Poral at ng Barangay Secretary ang kanyang application para sa Social Amelioration Program at ito ay napatunayan sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group.

Maliban sa Punong barangay, maaari ring madamay sa kaso ang Secretary at Treasurer ng nasabing barangay samantala, inihayag naman ni Punong Barangay Poral na hindi siya natitinag sa isinampang kaso laban sa kanya.

Ayon kay Poral, naging patas siya sa pagbigay ng cash assistance sa pamamagitan ng pagtalima sa guidelines ng Department of Social Welfare and Development.