Kinilala ng International Data Corporation Singapore (IDC) ang Philippine Rice Information System (PRiSM), ang kauna-unahang satellite-based rice monitoring system sa Southeast Asia.
Iginawad ng IDC ang Special Award for Sustainability sa naturang teknolohiya na ginagamit ng bansa sa pagmonitor sa epekto ng bagyo, malalakas na pag-ulan at pagbaha, at iba pang kalamidad sa rice industry ng bansa.
Gumagamit ito ng data-driven tool na siyang tumutukoy sa lawak ng mga taniman ng palay, pag-project ng produksiyon, at pag-monitor ng epekto ng natural calamities tulad ng El Nino.
Binuo ito upang tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipinong magsasaka mula pa noong 2013, dala ng labis na pagbabago ng klima o climate change.
Ayon kay DA Director Glenn Dela Cruz Estrada, ang iginawad na pagkilala ay nagpapakita sa halaga ng kolaborasyon, teknolohiya, at innovation sa pagpapabuti ng sektor ng pagsasaka, bagay na pinatunayan ng mga siyentistang Pinoy na bumuo sa PRiSM.
Aniya, ang sistemang nakapaloob sa PRiSM ay mula sa pinagsama-samang effort ng DA, Philippine Rice Research Institute, at International Rice Research Institute (IRRI).
Ayon pa kay Estrada, simula noong ginagamit ang naturang teknolohiya ay nagawa na ng bansa na tukuyin ang akmang solusyon o tugon sa mga naranasang kalamidad sa bansa sa mas mabilis at mas maikling panahon, daan upang matulungan ang mga magsasaka na kaagad makabangon.