LEGAZPI CITY- Pinag-uusapan ngayon at ikinatuwa ng mga Pilipino ang mga larawan sa social media ng isang Pinoy tricycle na kauna-unahang dumaan sa Golden Gate Bridge ng San Francisco, California sa Estados Unidos.
Sa mga post sa social media, makikita ang tricycle na gawang Pinoy na tinatahak ang kilalang tulay kasama ng nasa 70 motorcyle riders na pawang Pilipino rin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Michael Arcega, nagmaneho sa trending tricycle nilalayon lamang nitong maipakita ang kultura ng mga Pilipino sa Amerika at makapagbalik-tanaw sa kinalakhan sa Pilipinas.
Katuwang ni Arcega sa pagpapagawa ng tricycle ang kaibigan at kapwa Pinoy na si Paulo Asuncion.
Una umanong plinano ng dalawa ang paggawa ng jeepney subalit dahil malaki at mahirap imaneho, tricycle na lamang ang itinuloy.
Nagdadala rin aniya ng kaligayahan sa kanila na maraming Pilipino ang napapangiti at napapa-thumbs up pa kapag nakikita ang Pinoy tricycle.
Maliban sa libreng sakay na hatid nila sa mga kababayang Pilipino, may pa-videoke pa ang mga ito.