-- Advertisements --

Sesentro ang imbestigasyon ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) sa posibleng pagkukulang ng mga guwardya at kung ano ang mga dapat pang repasuhin ng sa gayon ay hindi na maulit ang insidente sa Resorts World Manila.

Nagtataka ang PNP kung nasaan ang mga armadong guwardya ng Resorts World noong mangyari ang insidente, madaling araw ng Sabado.

Ayon kay PNP SOSIA director Chief Supt. Jose Mario Espino, naisumite na ng  NC Lanting Security Agency ang kanilang initial report sa PNP SOSIA.

Inamin daw ng nasabing security agency na nabulaga ang kanilang mga guwardya nang dumating ang armadong suspek at naghasik ng karahasan na naging dahilan sa pagkasawi ng 37 indibidwal habang 54 ang sugatan.

Lumitaw kasi sa inisyal na pahayag ng security agency na walang baril ang mga guwardya sa loob ng establisyemento.

Nais ring malaman ng PNP ang bilis ng komunikasyon ng mga security guard sa mga pulis sa paligid ng establiyemento.

Sinabi ni Espino na bukod sa mga security guard kanila ring ipapatawag ang kinatawan mula sa mismong pamunuan ng Resorts World Manila.

Naniniwala si Espino na posibleng mas kaunti sana ang namatay sa Resorts World attack kung eksperto sa evaluation technique at first aid ang mga security guard.

Nagtataka si Espino dahil kasama naman sa pinag-aaralan ng mga guards ang tamang paglilikas sa oras ng mga sakuna subalit tila hindi ito naisagawa noong mangyari ang insidente.

Samantala tiniyak ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde, ligtas ang mga hotel at casino sa Metro Manila dahil nagtaas na ng kani-kanilang security measures ang bawat estbalisyemento matapos ang Resorts World incident.