Binigyang-diin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi na raw mangangailangan pa ng constitutional convention (Con-con) kung ilang bahagi lamang ng Saligang Batas ang aamyendahan.
Paliwanag ni Guevarra, mas angkop daw ang Con-con kung buong Konstitusyon ang babaguhin.
Pero dahil ilang probisyon lang aniya ang aamyendahan ay mas mainam na constituent assembly (Con-Ass) ang gawin dahil ito ay mas madali at hindi gaanong magastos.
Gayunman, iginiit ng kalihim na ang mga pagbabago sa Saligang Batas na ginawa sa pamamagitan ng Con-con o Con-Ass ay kinakailangan pa ring aprubahan ng taumbayan sa pamamagitan ng isang plebisito.
Una rito, sinimulan na ng Kongreso ang pagtalakay sa pag-amyenda sa Saligang Batas, parikular sa probisyon sa party-list representation at economic provisions.
Naghayag din ng kanilang pagsang-ayon sa naturang hakbang sina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Trade Secretary Ramon Lopez upang lalo pang buksan ang ekonomiya.