LAOAG CITY – Apat na araw matapos bumalik at umupo sa puwesto ang alkalde sa bayan ng Paoay, Ilocos Norte ay bababa na naman ito dahil sa memorandum na isinilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) Regional Office.
Ayon kay Atty. Lawrence Patrick Ostillore, ang naturang memorandum ay galing mismo kay DILG Sec. Eduardo Año hinggil sa local elective officials na kumandidato, nanalo at naiproklama matapos ang May 13 elections ngunit may kaso kagaya ni Paoay Mayor Jessie Galano.
Iginiit nito na hindi maaring umupo sa kahit anong posisyon si Galano dahil sa kasong isinampa sa Ombudsman ni dating Mayor Dolores Clemente sa nasabing bayan.
Inihayag naman ni Provincial Local Government Operations Officer Samuel Borja na kahit may apela si Galano sa Korte Suprema ay dapat maipatupad ito kahit wala pang desisyon ang korte.
Samantala, naniniwala si Galano na makakamit niya ang hustisya at lalaban ito hanggang sa kanyang huling hininga.
Paliwanag nito na kahit wala pang pinal na desisyon ang korte ay susundin niya ang nilalaman ng memorandum at bababa ito sa puwesto ngunit tuloy pa rin umano ang pagsilbi sa bayan.
Nag-ugat ito dahil sa kasong grave abuse of authority, gross neglect of duty, grave misconduct at serious dishonesty over the falsification of travel documents na naisampa noong 2015.
Si Vice Mayor Romulo Acdal ang uupo bilang alkalde sa naturang bayan.