Iginiit ni Senadora Grace Poe na hindi dapat magresulta sa kawalan ng trabaho nang mahigit 60,000 motorcycle riders sa bansa ang kawan ng batas.
Ayon kay Poe, na dating chairman ng Public Services Committee sa Senado, mayroong awtoridad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan ang mga motorcycle riders na magpatuloy sa kanilang operasyon, na naging mahalagang transportasyon para sa milyun-milyong Pilipino.
“Nasa LTFRB naman talaga ang deadline kung itutuloy nila ito o hindi. Pwede naman silang magkaroon ng extension pending the passage of the bill. Sila naman yung pumapayag dyan,” paliwanag ni Poe.
“Kung kailangan nila ng Senate Resolution mula sa amin para meron silang legal cover, pwede naman naming gawin yan. Iyong Resolution ay pinipirmahan ng mga senador para sabihin na suportado namin ang extension habang ang panukalang batas ay aming sinusuri,” dagdag ng senadora.
Binigyang-diin ng senadora ang kahalagahan ng mga motorcycle taxi bilang isang ligtas at maaasahan na transportasyon, na nagbigay ng trabaho sa libu-libong rider.
“Sa mga kababayan, huwag po kayong mag-alala sapagkat napaka-importante nitong serbisyo na ito ng mga motorcycles for hire, at hindi ito dapat itigil ng LTFRB dahil lang hindi pa naipapasa ang batas,” ani Poe.
Nauna nang nagbabala ang LTFRB na maaaring maging “illegal” ang mga motorcycle taxi kung matatapos ang kasalukuyang 19th Congress nang hindi maipapasa ang batas.
Sinabi ni Poe na nais ng mga senador ang isang komprehensibong batas na sumasaklaw sa mahahalagang aspeto ng operasyon ng motorcycle taxi tulad ng mga lisensya, specifications ng sasakyan, diskwento, insurance, safety regulations, at iba pa.
“We need to be very specific and comprehensive with this law to ensure we will have a smooth rollout,” saad ni Poe.