VIGAN CITY – Naniniwala ang Gabriela Partylist na ang kawalan ng mass testing sa bansa ay upang mapagtakpan umano ang kakulangan ng gobyerno sa pagtugon ng COVID-19 pandemic kasabay ng ilang ulit nang pagrerekomenda ng grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Rep. Arlene Brosas, kinakailangang gamitin ng gobyerno ang lahat ng kanilang pondo para sa mass testing ng bansa dahil kung kinaya umano ito ng ilang mga local government units ay mas kakayanin pa ito ng national government dahil responsibilidad naman nila ang maprotektahan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Nilinaw ni Brosas na hindi sapat ang pagpapatupad lamang ng gobyerno ng community quarantine nang wala namang naisasagawang mass testing dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang mga kaso.
Iginiit din ng opisyal na kasabay umano ng pagpapatupad ng lockdown ay kinakailangang nakahanda ang gobyerno sa kanilang mga hakbang kontra sa nasabing virus ngunit aniya ay napipilitan na lamang ang mga mamamayan na manatili sa kanilang bahay nang wala namang karampatang aksyon ang pamahalaan.