-- Advertisements --

KALIBO, Aklan- Naalarma ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay sa lalawigan ng Aklan dahil sa kawalan ng karampatang road warnings at precaution signs sa mga road constructions at drainage system sa isla ng Boracay.

Dahil dito, umapela si SB Member Maylynn Aguirre-Graf sa mga contractors at water utility companies na malagyan ng visible na mga warning signs partikular sa main road mula sa Barangay Manoc-Manoc papuntang Yapak para sa kaligtasan ng mga residente at turistang nagbabakasyon sa mala-paraisong isla.

Paliwanag ni Graf, kailangang maging visible ang road markings sa mga road sections upang maiwasan ng mga commuters at motorista ang anumang aksidente sa naturang lugar.

Samantala, depensa naman ni TIEZA assistant project manager Engr. David Capispisan, lahat umano na open pit sa mga proyekto ay may mga railings at harang para maprotekhaan ang mga dumadaan.

Nabatid na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang responsable sa nagpapatuloy na road improvements at drainage system rehabilitation sa popular tourist destination.