NAGA CITY- Kinumpirma ng Commission on Election (Comelec) na may mga lugar sa lalawigan ng Camarines Sur ang may problema sa signal.
Kaugnay nito, posible umanong makaapekto ito sa pagtransmit ng boto pagkatapos ng halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alex Marpuri, tagapagasalita ng Comelec-CamSur, sinabi nitong may mga hinanda na rin silang transmission modem na magagamit sakaling mahina ang internet connection sa isang lugar.
Ngunit sakaling wala talagang signal, pwede rin aniyang dalhin na lamang ang mga Vote Counting Machines at balota sa munisipyo at doon na lamang i-transmit.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Marpuri na kailangang kasama ang mga watchers at mga otoridad sa oras na ilalabas ang mga VCM at balota mula sa mga apektadong lugar para matiyak na walang magiging problema.