LAOAG CITY – Nakaranas ng kawalan ng koryente ang ilang bayan dito sa Ilocos Norte sa unang Misa de Gallo ngayong araw.
Sa naging sitwasyon sa ilang mga lugar sa Ilocos Norte, nag-alanganan umano ang mga residente sa ilang bayan gaya sa bayan ng Sarrat na pumunta sa simbahan dahil natatakot at madilim ang kapaligiran.
Tanging mga ilaw lamang ng mga cellphone, flashlight at mga sasakyan ang nagbigay ng liwanag sa paligid.
Batay sa impormasyon, makalipas ang ilang oras ay naibalik din ang serbisyo ng koryente sa naturang bayan at matiwasay na natapos ang unang Misa de Gallo.
Samantala, sa lungsod ng Laoag ay nanatiling generator ang ginamit habang isinasagawa ang misa de gallo at maraming tao ang dumalo.
Ayon kay Engr. Dionisio James, manager ng Engineering Department ng Ilocos Norte Electric Cooperative na nasira ang arrester sa sub-station sa lungsod dahilan kaya nawala ang suplay ng koryente sa halos kalahati ng Laoag City, bayan ng Sarrat ang ilan pang bahagi sa lalawigan.
Dagdag pa nito, ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya na maibalik kaagad ang suplay ng koryente sa mga nasabing lugar.