DAGUPAN CITY — Isang malaking dagok sa bawat pamilyang Pilipino.
Ito ang binigyang-diin ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Aniya na isa na naman itong mabigat na pasanin para sa mamamayan sa kabila ng pagsirit ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin, bayarin sa tubig at kuryente, at gayon na rin sa presyo sa produktong petrolyo at pamasahe. Saad pa nito na kahit panahon ng anihan ay hindi na nararamdaman ng mga konsyumer gayundin ang mga magsasaka kung may paggalaw o pagbaba sa presyo ng bigas.
Dagdag pa nito na kung uungkatin ang umiiral na Republic Act 11203 o ang Rice Liberalization Law na isinabatas ng Duterte administration ay malinaw na tatambad na kabaliktaran sa layunin nito na mapababa ang presyo ng bigas hanggang sa P25/kilo sa nangyayari ngayon na pagtaas nito sa mga pamilihan.
Ani Estavillo na kitang-kita sa loob ng apat na taon ng implementasyon nito kung papaano nito sinalanta ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa napakababang presyo ng farmgate price, kung saan ay umaabot sa P19,000 kada hektarya ang pagkalugi ng mga magsasaka, at hindi rin nagsilbing tulong ang nasabing batas para sa mga magsasaka subalit ang tinulungan nito ay ang mga bigas na nanggagaling sa mga bansang pinag-aangkatan ng Pilipinas gaya na lamang ng Vietnam, Thailand, China, India, at Pakistan.
Saad pa nito na sa kabila ng patuloy na pagpasok ng mga imported na bigas sa bansa, kung saan sa pagsisimula pa lamang ng taon ay nakapagtala na ang bansa ng humigit kumulang 70,000 metrikong tonelada ng na-import na bigas, ay patuloy din ang pagmahal ng naturang produkto sa merkado at kailanman ay hindi bumaba ang presyo nito kahit pa mayroong inaani ang mga magsasaka.
Maliban dito ay binigyang-diin din ni Estavillo na mayroong kaalaman at kamalayan ang gobyerno sa pagliit ng mga inaani na palay ng mga magsasaka bunsod ng kakulangan o kawalan ng pondo para sa pagbili ng mga kagamitan nila sa bukid gaya ng pataba at krudo, dahil sa kanilang panawagan na maglaan ng subsidiya sa bawat magsasaka at bawat food security frontliners upang makatulong sa patuloy na pagtaas ng mga gamit para sa produksyon.
Gayunpaman, wala aniya na naibigay na tulong ang gobyerno at sa halip ay nananatili lamang na pangako ang mga pangakong binitiwan nila noon habang iniwan naman nitong naghihintay sa wala ang mga magsasaka.
Kaugnay nito ay nananawagan naman ang kanilang hanay na ibalik ang presyo ng mga National Food Authority (NFA) rice sa mga pamilihan na P22/kilo dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo bunsod ng umiiral na inflation rate sa Pilipinas.