BOMBO DAGUPAN – Labis na naapektuhan ang mga Dagupeño sa biglaang water interrupton dahil sa aksidenteng naback hoe ang tatlong water transmission line sa road elevation and drainage project construction sa Arellano.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marge Navata, Spokesperson ng Pamana Water District Dagupan, kahapon nang mapag alaman nila ang aksidente matapos makatanggap ng isang mensaheng nawalan ng supply ng tubig sa Brgy. Pantal, Downtown, Mayombo, at iba pang karatig lugar kahit pa man ay walang scheduled water interruption.
Ani Navata, wala pang kasiguraduhan kung kailan maibabalik ang supply ng tubig ngunit makakasigurado naman na ginagawa ang lahat nang makakaya upang maibalik sa lalong madaling panahon.
Upang maiwasan naman ang maaaring karagdagang aberya ay minabuti nilang patayin pansamantala ang booster sa parteng Tambac sapagkat ito ang daanan ng water pressure.
Bagamat iwas aberya ito, humina naman ang water pressure sa ibang lugar dahil sa pagpatay ng booster.
Ginawan na din nila ng agarang aksyon ang pagkakaroon ng maayos na water flow patungong Downtown Area.
Samantala, humihingi naman ang patawad at karagdagang pasensya at pang unawa dahil purong aksidente lamang ang nangyari.
Paliwanag niya, kailangan din talaga ng upgrade sa mga transmission line na dinadaanan ng construction upang maiwasan itong matabunan.
Kaya naman sinasabayan din ng kanilang tanggapan ang nagpapatuloy na proyekto sa kakalsadahan upang magkaroon ng maayos na tracking system sa mga natabunang tubo ng tubig.