Ikinabigla at ikinalungkot ni Senate Committee on Sports Chairman Senador Christopher “Bong” Go nang malaman niya ang kawalan ng uniporme ng mga Filipina golfers sa Paris 2024 Olympics.
Sa isang video na kumakalat sa social media, ipinakita ni Dottie Ardina ang kanyang pagkadismaya tungkol sa kanilang mga uniporme.
Ayon kay Go, ramdam niya ang sama ng loob na inilabas ng atleta gayong isinulong nila ang dagdag na P30 milyon na pondo para lamang sa preparasyon ng mga delegado sa 2024 Olympics.
Bukod pa riyan aniya ay mayroong tig-P500,000 na financial support ang kanilng ibinigay sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa bawat Pilipinong atleta at para-athlete na sasabay sa Paris Olympics at Paralympics.
Giit ng senador, malaking bagay ang uniporme dahil nandoon ang bandila ng Pilipinas na sumisimbolo sa bansang kanilang inirerepresenta.
Kung kinakailangan aniya ay busisiin nila sa Senado pagkatapos ng Paris Olympics at magsasagawa ng post-evaluation kung papaano maiiwasan ang ganitong kakulangan at mapabubuti ang suporta sa mga atletang Pilipino.
Gayunpaman, kahit na may aberya aniya ay nagpahayag ng suporta ang mambabatas sa bawat manlalarong Pilipino na patuloy na nagpapakitang gilas, determinasyon at puso sa kanilang laban.