-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hawak ngayon ng mga armadong grupo ang isang kawani ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Kier De Vera Selibio, lineman, Solar Installer at Photo Voltaic Mainstreaming technician ng Cotelco at residente ng Barangay Katidtuan Kabacan Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na may inaayos lang umanong solar panels ang biktima sa Barangay Napalico Arakan North Cotabato nang dukutin ito ng mga armadong kalalakihan.

Hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik ang biktima sa sub-office ng Cotelco sa bayan ng Arakan.

Hiling ng pamilya sa mga suspek na pakawalan si Selibio dahil isa lamang itong ordinaryong kawani ng Cotelco.

Marami naman ang naniniwala na posibling mga myembro ng New Peoples Army (NPA) ang dumukot sa biktima.

Sa ngayon ay patuloy na sinusuyod ng Arakan PNP katuwang ang militar ang Barangay Napalico para mailigtas ang biktima.