-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Tinanggal sa trabaho ang isang empleyado ng kapitolyo sa probinsya ng Cotabato sa paglabag sa pinaiiral na health crisis sa bansa.

Nakilala ang sinipa sa pwesto na si Charlie Sarona,isang job order at nakatalaga sa Vice-Governor’s Office sa North Cotabato.

Ayon kay Cotabato Vice-Governor Emmylou”Lala” Taliño Mendoza na tumanggap siya ng reklamo mula sa Covid 19 Checkpoint laban kay Sarona na lumabag sa Curfew hours.

Lasing rin umano si Sarona na nagmamaneho ng motorsiklo at may angkas pa na labag sa alituntunin sa pinaiiral na public health emergency sa bansa.

Sinita si Sarona ng mga pulis,sundalo at mga medical staff o mga frontliners ngunit nagpakita siya ng ID ng Task Force Covid 19 kahit mali ang kanyang ginawa.

Dagdag ni Vice-Gov Mendoza na hindi umano siya na-abisuhan na si Sarona ay kasapi na ng Covid 19 Task Force sa probinsya sa ilalim ng tanggapan ni Governor Nancy Catamco.

Dahil sa pagsuway ni Sarona sa mga alituntunin ng public health crisis sa bansa ay nagpatupad ng one strike policy si Mendoza at agad itong tinanggal sa trabaho para hindi pamarisan ng iba.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang komento ni Sarona pagkatapos siyang tanggalin sa trabaho.