TACLOBAN CITY – Dead on the spot ang isang empleyado ng Ormoc City Hall matapos barilin sa loob mismo ng isang classroom sa Barangay Mabini Elementary School, Ormoc City.
Kinilala ang biktima na si Bienvinido Casimiro, 42-anyos, habang ang suspek ay nagngangalang Ronnie Pocson, 46, parehong residente ng naturang barangay.
Ayon kay Pol. Maj. Rex Cantillep, tagapagsalita ng Ormoc City Police Station, tinutulungan ng biktima ang asawa nitong guro sa pag-aayos ng silid-aralan para sa pasukan nang bigla nalang umatake ang suspek.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Personal na away ang tinitingnang anggulo at motibo ng kapulisan sa krimen.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek at inihahanda na ang karampatang kaso na ihahain laban dito.