Lumutang ngayon ang isyu sa NBA na posibleng manatili pa rin daw sa champion team na Toronto Raptors ang finals MVP na si Kawhi Leonard.
Ito ang paniniwala ng retired NBA player at dating Raptors na si Jalen Anthony Rose.
Ayon kay Rose, na isa na ngayong analyst para sa ESPN, naniniwala siyang 99 porsyento na tatanggapin pa rin ni Kawhi ang magiging alok ng Raptors sa kabila na patuloy pa ang negosasyon ng NBA superstar sa ilan pang teams habang umiiral ang free agency ngayong linggo.
Paliwanag ni Jalen, dahil daw sa walong taon na sa NBA si Leonard, nais na lamang daw nitong kompletuhin ang 10 taon sa team.
Pagkatapos daw nito sa taong 2021 ay kuwalipikado na si Kawhi na makuha ang pinakamalaking presyo sa sweldo o maximum contract na aabot sa 35 porsyento ng cap.
“What I’m 99 per cent hearing is that Kawhi Leonard will be returning to Toronto and signing a two-year contract,” ani Rose sa programang ESPN Get Up.