Kailangan na lamang ng isang panalo ng Los Angeles Clippers para tumungo sa unang pagkakataon sa Western Conference finals matapos makuha ang Game 4 laban sa Denver Nuggets, 96-85.
Muling dinala ni Kawhi Leonard ang Clippers nang magtala siya ng halos triple-double performance gamit ang 30 points, 11 rebounds, four steals at dalawang blocked shots.
Mapapansin na ito ang ikaanim na beses na pomoste siya ng 30 puntos o mahigit pa sa postseason games.
Ang reserve na si Montrezl Harrell ay nagdagdag naman ng 15 points.
Si Paul George naman ay meron lamang 10 puntos sa loob ng 27 minuto na paglalaro kung saan nameligro siya dahil sa umabot na siya sa foul trouble.
Para sa coach, susi sa kanilang panalo ang pagsunod sa pinaghandaang game plan.
“Just great intensity,” ani Clippers head coach Doc Rivers. “They really stuck to the game plan.”
Sa kabilang dako sa Nuggets, muling hinangaan ang eksplosibong laro ni Nikola Jokic na nagtapos sa 26 points at 11 rebounds.
Inalat naman ang scoring leader na si Jamal Murray na nag-iwan ng 18 puntos.
Sa Sabado tatangkain ng Clippers na tapusin na ang serye.