Bumawi sa kanyang pagbabalik si Kawhi Leonard na umiskor ng 28 points upang tulungan ang Los Angeles Clippers na talunin ang Portland Trail Blazers, 128-105.
Kung maalala dalawang games din na hindi nakalaro si Leonard bunsod ng sugat na tinamo sa bibig matapos na masiko ng kanyang teammate na si Serge Ibaka.
Hindi inalintana ni Kawhi ang walong tahi sa kanyang sugat, kaya nakasuot ito ng plastic mask bilang proteksiyon.
Liban sa seven assists din kay Leonard, umangat din sa opensa si Paul George na may 23 points at 10 rebounds.
Umabot lahat sa anim na mga players ng Clippers ang nagtala ng double figures.
Wala rin namang nagawa ang mga star players ng Blazers na sina CJ McCollum na may 25 points, kasama na ang nagawang pitong 3-pointers, Damian Lillard na nagtapos sa 20 points at si Carmelo Anthony na nagdagdag naman ng 15 points.
Sa ngayon abanse na ang LA sa record na 4-1, habang ang Portland naman ay may 2-2 kartada.