Dumagundong ang Scotiabank Arena sa Toronto nang maipasok ang makapigil hininga na Game 7 buzzer beater ni Kawhi Leonard para tuluyang madispatsa ang Philadelphia 76ers, 92-90.
Dahil dito pasok na sa Eastern Conference semifinals ang Raptors at haharapin ang nag-aantay na top seed na Milwaukee Bucks.
Ang “miracle shot’ na fadeaway jumper ni Leonard ang sinasabing kauna-unahang buzzer beater sa NBA history.
Una rito tabla sa score na 90-90 ang dalawang teams habang meron pang 4.2 seconds na natitira.
Ibinigay ang inbound pass kay Leonard, na nagkataong binantayan ng 76ers guard na si Ben Simmons.
Nang mag-dribble si Leonard sa kanang bahagi ng perimeter, hinabol siya ni Sixers center Joel Embiid hanggang sa right sideline.
Pagsapit ng ilang segundo na natitira, dito na umangat si Leonard kahit nakaharang ang mga kamay ni Embiid na siya namang pagtunog ng final sound.
Ang sumunod na tanawin ay nagbigay ng lalong suspense nang ilang beses na tumalbog talbog sa rim ang bola.
Pigil hininga tuloy ang lahat at maging si Leonard ay naka-squat lamang sa pag-aantay hanggang sa mahulog eksakto ang bola sa loob ng ring para sa makasaysayang panalo.
“It’s a blessing to get to that point and make that shot and feel that moment, and it’s something I can look back on in my career,” ani Kawhi.
Maging si Raptors guard Kyle Lowry ay hindi makapaniwala.
“It was crazy,” wika pa ni Lowry. “It was one of those moments where it’s just like a real-life game winner.”
Sa kabuuan nagtala ng 41 big points si Leonard at may 8 rebounds, 3 assists at 3 steals para sa all-around game.
Si Serge Ibaka ay tumulong naman ng 17 points at si Lowry ay nagtapos sa 10 points.
Samantala sa panig ng Sixers nasayang ang 21 points at 11 rebounds ni Embiid.
Sa Huwebes na ang simula ng Game 1.