-- Advertisements --
kawhi leonard
Kawhi Leonard/ Photo courtesy of NBA

Nasungkit ni Toronto Raptors forward Kawhi Leonard ang korona bilang NBA Finals Most Valuable Player sa ikalawang sunod na pagkakataon sa kanyang professional basketball career.

Kasunod ito ng makasaysayang panalo ng Raptors kontra sa Golden State Warriors sa Game 6 ng championship series ngayong Huwebes, 114-110.

Naglista ng average na 28.5 points per game si Leonard sa kanyang 43% shooting sa 2019 Finals.

Unang nakamit ni Leonard ang Bill Russell Trophy noong 2014 sa ilalim ng San Antonio Spurs, na pinatumba rin ang dinastiya noon ng Miami Heat na pinamunuan ni LeBron James.

Sa naturang serye, nagrehistro ng average na 17.4 points at 6.2 rebounds at nadagit ang parangal dahil sa naging papel nito sa pagdepensa kay James.

Dahil dito, napabilang ang three-time NBA All-Star sa grupo ng mga players na ibinulsa ang Russell Trophy sa dalawang magkaibang team, na binabanderahan nina Kareem Abdul-Jabbar (Bucks at Lakers) at James (Cavs at Heat).

Si Leonard din ang ikaapat na player na pinangalanang Finals MVP sa kanyang unang season sa isang team, gaya nina Magic Johnson sa Lakers noong 1980; Moses Malone sa Philadelphia 76ers noong 1983; at Kevin Durant sa Warriors noong 2017.

Umiskor ng kabuuang 732 points si Leonard sa postseason, na ikatlong pinakamalaki sa kasaysayan ng NBA sa likod nina Michael Jordan (759 noong 1992) at James (748 noong 2018).