Kumamada si Kawhi Leonard ng 43-big points upang tambakan ng Los Angeles Clippers ang nangungulelat na Cleveland Cavaliers, 128-103.
Ang natipon na puntos ng All-Star forward ay sa loob lamang 28 minutes o kabuuang tatlong quarters at pinagpahinga na siya sa 4th quarter.
Ilang record din ang naiposte ni Leonard kabilang na ang unang player sa kanilang franchise history na tumipa ng 40 points o higit pa sa loob ng 30 minuto lamang.
Sa second quarter si Leonard ay meron nang 14 points liban pa sa naitala niyang career high sa 3-pointers sa isang period.
Nagtapos ang 2-time Finals MVP sa 14 of 22 at 6 of 10 sa 3-point area.
Tinawag naman ni Clippers coach Doc Rivers na “fantastic” ang performance ni Kawhi at napaka-impresibo raw na ito ay panoorin.
Samantala nagdagdag naman si Lou Williams ng 24 points habang hindi nakapaglaro muli si Paul George dahil sa injury.
Sa panig ng Cleveland nanguna si Collin Sexton na may 25 points at si Cedi Osman na nagpasok ng 21.
Ang rookie guard ng Cavs na si Darius Garland ay nagpakitang gilas sa 14 points at career-high na 10 assists bilang kanyang unang double-double performance.
Sa ngayon meron ng 28-13 record ang Clippers samantalang nasadlak sa 12-29 ang Cavs.
Sa kabilang dako agaw pansin naman ang pagyakap at pagbati ng ilang Cavs players sa assistant coach ng Clippers na si Tyronn Lue.
Kung maalala nang makuha ng Cavs ang isa sa titulo nito noong taong 2016 ay nagsilbing head coach si Lue.