-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Hindi umano umubra ang pagyayabang ni American boxer Keith Thurman matapos matalo kay Filipino boxing icon at Senator Manny Pacquiao.

Ito ang mariing iginiit ni Lisa Onding, kapatid ng fighting senator na nagpaiwan sa lungsod at hindi nanood ng live sa laban ni Pacman sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.

Nalaman na mayroong munting salu-salo sa bahay nito sa Barangay Labangal sa lungsod kahapon matapos na mapanood ng mga kapitbahay ang laban ng kapatid.

Sa interview ng Bombo Radyo GenSan, inihayag nito na wala nang paglalagyan ngayon ang yabang ni Thurman na madalas sinasabing pababagsakin si Pacman.

Aniya, para sa kanya hindi siya naging kampante kahit nagkaroon ng first round knockdown dahil may nalalabing 11 rounds pa sa laban at marami pa ang mangyayari.

Inamin naman ni Onding na hindi nito inaasahang kaagad na mapapabagsak ni Manny ang kalaban sa round 1 taliwas sa prediksyon ng ilang boxing fans na mangyayari ito sa round 5 o round 10.

Nang matanong ukol sa hinihinging rematch ni Thurman, sinabi ni Onding na kung siya ang masusunod ay ayaw na niyang makipaglaban muli ang Pinoy champ sa US boxer.

Ang pamilyang Pacquiao ay nagpapasalamat sa lahat ng nagdasal at sumuporta sa laban muli ng fighting senator.

Pinagbubunyi naman ng mga taga GenSan at Sarangani Province ang panalo ng Filipino ring icon.

Samantala, inihahanda na ng LGU-GenSan ang ibibigay muli na hero’s welcome sa pag-uwi ng senador sa lungsod.