Nagpaabot na ng pakikiramay si Kazakhstan President Qasym-Jomart Toqayev kasunod nang malagim na pagkamatay ng 15 katao matapos bumagsak ang eroplano na kanilang sinasakyan.
Sinigurado rin ng presidente na mapaparusahan ang sinomang mapatutunayang responsable sa insidente.
Tinatayang nasa 100 katao ang lulan ng Flight Z92100 kung saan 15 pasahero ang naitalang nasawi, 66 ang nakaligtas at 50 sa mga ito ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Unang tumama ang Ber Air aircraft sa concrete fence bagto ito tulayang sumadsad sa dalawang palapag na gusali matapos nitong mag-tak off mula sa Almaty International Airport.
Batay sa inilabas na pahayag ng paliparan, walang naganap na sunog at kaagad na dumating ang rescue operation upang rumesponde.
Nabatid na isang Fokker-100 ang modelo ng naturang eroplano. Taong 1996 nang ma-bankrupt ang kumpanyang gumagawa ng nasabing modelo.
Kasalukuyang suspendido ang lahat ng Bek Air at Fokker-100 flights sa Kazakhstan habang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon.