BUTUAN CITY – Nagsagawa ng taunang tree planting activity ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Butuan City/Agusan del Norte chapter, ang Oplan Broadcastreeing na isinagawa sa Brgy. Anticala sa lungsod ng Butuan.
Ilang mga volunteers kasama na ang mga miyembro ng KBP, mga estudyante at kabataan ang sumali sa ika-10 taon ng aktibidad na inoorganisa kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga.
Ang Oplan Broadcastreeing project ay inisyatiba ni KBP national chairman Herman Z. Basbaño, ang vice president ng Bombo Radyo Philippines na sinimulan noon pang taong 2009.
Ang naturang proyekto ay nakatanggap na ng mga award kabilang na ang Peace and Environment Award sa Universal Peace Federation noong 2015 at noong 2016 ay nakatanggap naman ito ng Tanging Bayani ng Kalikasan Award mula sa People Management Association of the Philippines (PMAP).