-- Advertisements --

Nirerespeto umano ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang pagtanggi ni dating Sen. Bongbong Marcos na dumalo sa gaganaping “Panata sa Bayan, Presidential Candidates Forum” bukas, araw ng Biyernes.

Una rito batay sa statement na inilabas ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, bagamat hinahangad daw nila na makadalo sa naturang forum, nataon naman daw na hindi tumugma ito sa schedule.

Nagpasalamat na lamang ang kampo ni Marcos sa naturang imbitasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay KBP national president Herman BasbaƱo, sinabi nito na dalawang beses na pinadalhan nila ng sulat si Marcos para mabigyan pa ng pagkakataon.

Aniya, umaasa sana sila na kahit sa huling sandali ay maisaayos ang schedule nito.

Kung tutuusin maging ang ilang mga presidential candidates ay hindi rin naman agad nagbigay ng kanilang commitment, hanggang sa magkumpirma na rin.

kbp

Sa kabila nito, tuloy naman ang presidential forum at kumpirmado na ang pagdalo nina Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno at labor leader Leody de Guzman.

Ang forum ay magsisimula ng alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali at isasahimpapawid ito sa 300 mga himpilan kasama na sa mga telebisyon na miyembro ng KBP, maging sa mga Bombo Radyo at Star FM stations nationwide kasama sa mga online platforms.