CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing kinondena ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas o KBP-Cagayan de oro-Misamis Oriental Chapter ang pagpaslang sa isang radio anchor sa Kidapawan City, North Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo, tinawag ni KBP-Cagayan de oro-Misamis Oriental Chapter President Tito Monterde na ‘barbaric act’ ang pagpatay kay Eduardo “Ed” Dizon, anchorman ng 97.5 Brigada News FM Kidapawan.
Napag-alaman na katatapos lamang sa kanyang pag-umagang programa si Dizon at pauwi na sa kanilang bahay nang tambangan ito ng riding in tandem suspeks.
Nagtamo ito ng limang tama ng bala sa katawan na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Naniniwala si Monterde na may kaugnayan sa pagtalakay ni Dizon sa mainit na isyo ng KAPA Ministry International Incorporated ang pagpaslang sa kaniya, subalit patuloy pa itong inaalam ng pulisiya.
Dahil dito, umapela si Monterde sa pulisiya na bigyang seguridad ang mga kasapi ng media na tumatalakay sa mga maiinit na isyo tulad ng KAPA, lalong lalo na ang mga himpilan ng Bombo Radyo sa Mindanao na walang humpay sa pagtalakay sa iligal na operasyon ng grupo ni Joel Apolinario.
Nauna rito, pinaulanan rin ng bala ang himpilan ng Bombo Radyo Gensan na tumatalakay din sa KAPA controversy.