Muling dumanas ng pagkatalo ang Phoenix Suns sa kamay ng Atlanta Hawks kasunod ng 43-point dominant performance ni Trae Young.
Hindi nakaligtas ang Suns sa kabila pa ng 66 points na pinagsamang score nina Kevin Durant at Devin Booker, at 51% overall shooting average ng koponan.
Naging mas dominante kasi ang Hawks sa depensa at kumamada ng 54 rebounds habang tanging 37 rebound lamang ang naagaw ng Suns.
Sa 54 rebounds na ipinoste ng Hawks, 21 dito ay pawang nakuha ng bench na si Onyeka Okongwu na nagbulsa rin ng 22 points, ang ikalawang pinakamataas na individwal point sa Hawks.
Nag-ambag din si Atlanta guard Garrison Mathews ng 19 points sa panalo ng koponan.
Sa kabuuan ng laban, kapwa nagpasok ng tig-43 shots ang Suns at Hawks.
Gayonpaman, 17 3-pointer ang ipinasok ng Hawks habang 13 lamang ang naisagot ng Phoenix.
Sa free throw line, 19 ang nagawang ipasok ng Hawks habang 18 lamang ang naging kasagutan ng Suns.
Ito na ang ika-20 pagkatalo ng Suns ngayong season habang nanatili sa 19 ang hawak nitong panalo. Hawak naman ng Hawks ang 20-19 kartada.