Opisyal ng umupo bilang bagong Prime Minister ng United Kingdom si Labour leader Keir Starmer matapos italaga ni King Charles III ngayong Biyernes, oras sa Britain.
Sa bungad ng kaniyang unang speech bilang PM sa No 10 Downing Street sa London, pinasalamatan ni Starmer si outgoing PM Rishi Sunak na kauna-unahang naging British Asian PM at pinuri ang mga tagumpay, dedikasyon at pagsisikap nito sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Nangako naman si Starmer na kaniyang muling ibabalik ang tiwala ng kanilang mamamayan sa gobyerno sa ilalim ng kaniyang liderato sa gitna ng maling paniniwala ng maraming tao hinggil sa politika.
Sinabi din ni Starmer na malinaw na kailangan ng kanilang bansa ng “bigger reset’ at nangako ng national renewal.
Una rito, nagtungo si Starmer sa Buckingham Palace kung saan nakipagkita ito kay King Charles III at pormal na inatasang bumuo ng isang gobyerno.
Samantala, mahigit isang oras bago ang speech ni Starmer, nagbigay din ng resignation address si outgoing British PM Rishi Sunak sa No 10 Downing street matapos na tuluyan ng bumaba sa pwesto makaraang matalo sa katatapos na general election.
Aniya, ito ay isang mahirap na araw, ngunit iiwanan niya ang kaniyang trabaho ng may karangalan na maging punong ministro sa pinakamahusay na bansa sa buong mundo.
Matatandaan na una ng nag-concede o tinanggap ni Sunak ang kaniyang pagkatalo nitong umaga ng Biyernes sa katatapos na general election.
Sinabi ni Sunak na hangad niya ang lahat ng makakabuti para sa kaniyang successor at inamin din nito ang kaniyang kamalian sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Nagsilbing Punong Ministro ng Britaniya ang Conservative Party leader mula Oktubre 2022 hanggang Hulyo 2024.