ROXAS CITY – Naalarma ang may-ari ng isang apartment sa Barangay Tiza, Roxas City matapos natagpuan ang ilang mga container na mga kemikal ng diumano ginagamit sa paggawa ng shabu sa isang bakanteng lote.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Crispin Tambal, sinabi nito na nagsumbong ang kanyang caretaker na nakakita sa mga kemikal na iniwan sa bakanteng lote na katabi ng nirerentahang apartment ni Russel Dichosa ng bayan ng Pontevedra.
Ayon kay Tambal, nangupahan si Dichosa sa nasabing apartment noong buwan ng Nobyembre kung saan nagpakilala itong kontratista ng mga kemikal na ginagamit sa mga school laboratory.
Ngunit matagal na panahon na rin daw itong hindi umuuwi doon kaya para hindi masayang ang apartment at mapaupahan sa iba ay humingi ng pahintulot ang may-ari sa mga barangay officials para mabuksan ito.
Dumating rin aniyang mga pulis na tinawagan ng mga opisyales ng barangay na kaagad nagsagawa ng inspeksyon sa bahay.
Kinumpirma naman ng caretaker ni Tambal na isinasama siya ni Dichosa sa mga transaksyon nito sa mga paaralan at minsan ay binibigyan ng pera bilang bayad sa kanyang trabaho.