-- Advertisements --

BAGUIO CITY-Nanindigan ang Office Of Civil Defense (OCD)-Cordillera na huwag munang tuluyang buksan ang Kennon Road sa mga motorista.

Una rito ay hiniling ng mga negosyante na tuluyan ng buksan ang Kennon Road para maituloy nila ang kanilang pagbebenta ng iba’t-ibang produkto sa gilid ng kalsada.

Gayunpaman, sinabi ni OCD-Cordillera Regional Director Albert Mogol na kailangang maging pangunahin pa rin ang kaligtasan ng mga motorista.

Aniya, posible ding maantala ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways na isinasagawa sa bahagi ng Kennon Road kapag tuluyan itong mabuksan para sa mga motorista.

Maaalalang ipinasara ang Kennon Road dahil sa mga insidente ng pagkahulog ng mga bato at pagguho ng lupa, maliban pa sa mga kasalukuyang proyekto na isinasagawa doon.

Sa ngayon ay nakabukas lamang ang Kennon Road sa mga light vehicles kapag weekends hanggang sa Mahal na Araw.

Matatagpuan sa makasaysayang Kennon Road ang tanyag na Lions Head at ang nasabing kalsada ang isa sa mga pangunahing ginagamit ng mga motoristang papasok at lalabas sa Baguio City.