-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Bubuksan na ang sikat na Kennon Road na isa sa mga pangunahing kalsada paakyat ng Baguio kasunod ng pagdami ng mga turista na umaakyat ng lungsod tuwing weekends.

Ayon kay Joint Inter-Agency Task Force (JIATF) Kennon chairperson Albert Mogol, simula bukas, November 26 ay bubuksan ang Kennon Road, kung saan matatagpuan ang Lion’s Head na isa sa mga sikat na tourist attraction ng Baguio City.

Aniya, bubuksan ang Kennon Road mula alas-singko ng umaga tuwing Biyernes hanggang alas-singko ng umaga ng Linggo para LAMANG sa mga aakyat ng Baguio.

Bukas naman ito mula alas-singko ng umaga hanggang sa hatinggabi ng Linggo para LAMANG sa mga baba o patungo ng lowland.

Sinabi ni Mogol na ang hakbang ay bilang tugon sa hiling ng alkalde ng Baguio para mabasawan ang mahabang pila ng mga sasakyan at tao sa quarantine checkpoint at triage sa Marcos Highway na nararanasan tuwing weekend dahil sa pagdami ng mga turistang umaakyat ng Baguio.

Samantala, kinakailangan lamang na sundin ng mga motorista na dadaan ng Kennon Road ang 30 kilometers per hour na speed limit; traffic ang parking rules, border control protocols at quarantine checkpoint requirements.

Nananatili ding mga sasakyan na may bigat na limang tonelada pababa ang papayagan na makadaan sa Kennon Road.

Samantala, pinag-iingat ng Baguio LGU ang mga turista na gustong bumisita dito sa lungsod mula sa mga schemers, scammers at colorum vehicles na naglipana sa social media.

Kasunod ito ng mga report ukol sa mga maraming entities na nag-aalok ng mga tourism-related services dito sa Baguio na wala namang authority, permit o registration.

Kasama sa mga ibinabala ng LGU ang mga iligal na bed and breakfast o transient houses, colorum transports at sham travel dealers, brokers o agents.

Paalala ng LGU, delikado at hindi ligtas ang pakikipagtransaksion sa mga nasabing entities.

Muling iginiit ng LGU na dapat na sa mga legitimate at registered entities makipagtransaksion ang mga indibidual na gustong pumasyal dito sa Baguio City.