-- Advertisements --
Kennon Road Baguio
Kennon Road Baguon /PNA Image

BAGUIO CITY – Naisara na naman ang Kennon Road para sa mga motorista at residente ng Camp 5, Tuba, Benguet dahil sa nangyaring pagguho ng lupa kamakailan.

Sa interview ng Bombo Radyo Baguio kay Police Major James Acod, hepe ng Tuba Municipal Police Station, sinabi niya na nagsimula na ang clearing operations ng DPWH-Cordillera at ng Kennon Road Task Force mula pa kahapon.

Binanggit din niya ang pagkahulog ng mga bato sa kalsada partikular sa Camp 5, Tuba, Benguet kung saan hindi na madaanan ang naturang kalsada.

Nagkaroon naman ng emergency meeting ang mga kinauukulan at iba pang ahensya upang mapag-usapan ang kalagayan ng Kennon Road.

Sinabi rin ng opisyal na kailangang dumaan muna ang mga residente ng Camp 5, 4, 2, Twin Peaks at Camp 1 sa Marcos Highway dahil sa kondisyon ng Kennon Road.

Idinagdag pa ni Acod na posibleng matatagalan ang paglilinis sa kalsada dahil sa malaking epekto ng pagguho ngunit tiniyak niya na gagawin nila ang lahat upang mas maaga itong mabuksan sa mga motorista at publiko.