KORONADAL CITY – Nangangamba ang mga mamamayan sa Kenya na posibleng lumala pa ang banta ng coronavirus sa kanilang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Chris Jun Tabiling, isang missionary sa naturang bansa, maraming mga Kenyans ay nagkukumahog sa pag-contain ng naturang virus lalo na’t kulang sila sa sanitation at tubig.
Dagdag ni Tabiling, maliban sa COVID-19 problema rin nila ang paglala ng iba pang mga karamdaman katulad ng cholera, HIV, malaria at diarrhea sa lungsod ng Kibera.
Inamin rin ng pamahalaan doon na hindi nila kayang harapin ang nasabing krisis.
Nabatid na mula nang naitala ang unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 noong Abril 15, kaagad nagpatupad ang Kenya ng lockdown, curfew, suspension ng klase, at pagpapatupad ng quarantine protocols.
Mas pinalawak rin ang mga hakbang sa pag-contact trace sa 3,000 mga indibidwal na maaaring nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Batay sa datos, naitala na ang 281 kaso sa bansa kung saan 14 ang nasawi habang 69 naman ang gumaling.