Binaril ang self-confessed drug lord na si Rolan ‘Kerwin’ Espinosa ngayong araw, Huwebes, Abril 10, 2025, habang nagtatalumpati sa kanyang pangangampanya sa Barangay Tinag-an Albuera, Leyte.
Ito ang kinumpirma ni Albuera Councilor aspirant Carl Kevin Batistis.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Tacloban nagtipon ang buong slate ni Espinosa sa isang covered court kasama ang mga residente ng Barangay nang biglang mangyari ang insidente.
Agad na isinugod sa Ormoc Doctor Hospital si Espinosa pati narin ang isang menor de edad na nadamay sa insidente.
Samantala, nasa Crime scene na ang Albuera PNP at kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa mga salarin.
Sa kabilang banda si Espinosa ay nagpasya na tumakbo bilang alkalde laban kay incumbent Mayor Sixto Dela Victoria sa ilalim ng partidong Bando Espinosa-Pundok Kausaban (BE-PK) party.
Naganap ang kanyang kandidatura matapos siyang mapalaya mula sa bilangguan nang ibasura ng Regional Trial Court sa Baybay City ang kaso laban sa kanya dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Matatandaang si Kerwin Espinosa ay naging bahagi ng kontrobersiya noong 2016 nang ikonekta siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na kalakalan ng droga sa Eastern Visayas.
Inakusahan si Espinosa at ang kanyang amang si Rolando Espinosa Sr., na noo’y alkalde ng Albuera, nang pagiging kasangkot sa narcotics trade matapos ang isang police raid kung saan natuklasan ang P11 million na halaga ng shabu malapit sa kanilang tahanan.
Sumuko si Rolando Espinosa Sr., noong kalagitnaan ng 2016 ngunit kalaunan ay napatay sa loob ng kanyang selda sa Baybay City Jail.