-- Advertisements --

Bumuwelta si Albuera, Leyte, mayoral candidate Kerwin Espinosa, kay Richard Gomez, matapos magkomento nang “scripted” umano ang pamamaril kay Espinosa habang nangangampanya.

Sa isang pahayag sinabi ni Espinosa, hindi ito isang “acting” lamang at hindi siya katulad ni Gomez na isang artista.

Ayon pa kay Espinosa na kahina-hinala kung bakit may mga pulis mula sa Ormoc na naroroon nang mangyari ang insidente, kung saan siya at ang kaniyang kapatid at isang menor de edad ang nadamay sa pamamaril.

Tinanong niya si Gomez kung may kinalaman ito sa mga pulis na nandoon, at inusisa kung inutusan ba ito ng kongresista.

Samantala, sinabi ni Gomez na kumukuha pa siya ng ibang detalye tungkol sa nangyari.

Ayon naman sa PNP, pitong pulis mula sa Ormoc ang mga persons of interest, ngunit wala pang direktang ebidensiya na mag-uugnay sa kanila sa insidente. Inalis na rin sa puwesto si Police Colonel Reydante Ariza bilang hepe ng Ormoc City Police habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Naniniwala si Espinosa na may kinalaman ang pulitika sa pamamaril, kung saan kalaban niya sa pagka-alkalde si Leyte Board Member Vince Rama, na asawa ni Karen Torres at kapatid ni Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez, asawa ni Richard Gomez.