Naghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-alkalde ng bayan ng Albuera, Leyte si Rolan “Kerwin” Espinosa.
Naging kontrobersyal si Espinosa matapos siyang iugnay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade sa Eastern Visayas, at kalaunan ay tumestigo sa pagdinig ng Senado tungkol sa malawakang operasyon ng droga sa bansa.
Noong Hunyo, ibinasura ng Baybay City, Leyte Regional Trial Court (RTC) ang kaso laban sa kaniya dahil sa kawalan ng ebidensya.
Isa lamang ito sa isang serye ng mga legal na tagumpay para kay Espinosa.
Matatandaan na sumuko sa mga otoridad ang ama ni Kerwin na si Rolando Espinosa Sr. ngunit kalaunan ay napatay sa isang kontrobersyal na operasyon ng pulisya sa loob ng kaniyang kulungan, na nagdulot ng mga tanong tungkol sa opisyal na salaysay ng kaniyang pagkamatay.
Nasangkot din si Kerwin sa mga akusasyon na siya ay nagpondo ng drug money kay dating senador Leila de Lima sa pamamagitan ng ex-aide nitong si Ronnie Dayan.
Gayunpaman, noong 2022, binawi ni Espinosa ang mga pahayag na ito at iginiit na siya ay “pinilit, tinakot, at seryosong binantaan” sa paggawa ng kaniyang testimonya laban kay De Lima.