Nakahandang tumestigo ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands kaugnay sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam kay Espinosa matapos ang nabigong pag-assassinate sa kaniya, tetestigo siya para makamit ang hustisiya para sa kaniyang ama na si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. na pinaslang sa kasagsagan ng drug war ng nakalipas na administrasyon noong 2016.
Inihayag din ni Espinosa na naaawa siya sa dating Pangulo na nakakulong sa The Hague dahil matanda na siya subalit iginiit na may mga batas na kailangang sundin at dapat na harapin ang mga kasong inihain laban sa kaniya.
Matatandaan na nagtamo ng tama ng bala ng baril si Kerwin matapos siyang barilin sa Barangay Tinag-an habang nangangampaniya. Nasugatan din ang kaniyang running mate at kapatid na si Mariel Espinosa Marinay at anak na babae na menor de edad ng isang kandidato.
Kasalukuyang nasa kustodiya naman na ng mga awtoridad ang pitong pulis mula sa Ormoc city na ti-nag bilang persons of interest sa pamamaril kay Espinosa.
Matatandaan na si Kerwin Espinosa ay inaresto sa Abu Dhabi noong 2017 matapos tumakas sa Pilipinas kasunod ng pagkamatay ng kaniyang ama. Kinasuhan siya ng patung-patong na kasong may kinalaman sa iligal na droga subalit ibinasura kalaunan ng iba’t ibang Regional Trial Courts dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.