Hiniling na umano ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) na tanggalin na si Kerwin Espinosa sa Witness Protection Program (WPP).
Ito’y kasunod sa pagbawi ni Espinosa sa korte ng kanyang mga inamin noon sa Senado tungkol sa partisipasyon niya sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay CIDG Director Roel Obusan, wala nang kredibilidad si Espinosa bilang testigo dahil pabago-bago ang testimonya nito kaya hindi na dapat binibigyan pa ng pribilehiyo sa WPP.
Sinabi ni Obusan, inakala nila noon na ididiin ni Espinosa sa korte ang iba pang drug lords tulad ng ginawa nito sa Senado.
Pero nang magsimula aniya ang preliminary investigation, nagbago ito ng tono at naging uncooperative.
Paliwanag ni Obusan, kaya nila kasamang kinasuhan si Kerwin ay para mas maidetalye niya ang kanyang koneksyon sa iligal na aktibidad ng ibang mga akusadong drug lords, kapag sinagot niya ang charges laban sa kanya pero biglang nagbago ng kanta.
Aniya, September 2017 o isang buwan matapos ang preliminary investigation, sumulat siya kay DOJ Sec Vitalliano Aguirre para ipatanggal sa WPP si Espinosa pero hanggang ngayon wala pang tugon ang kalihim.
Si Espinosa ay isinailalim ng DOJ sa Witness Protection program noong 2016.
“If kerwin is changing what’s the use having him as a witness and enjoying the priveleges in the WPP,” wika ni Obusan.