-- Advertisements --

Humingi ng tawad o nag “sorry “ si self-confessed drug lord Kerwin Espinosa kay dating Senator Leila De Lima dahil sa pagdidiin nito sa illegal drug trade sa bansa.

Ginawa ni Espinosa ito, sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Quad Committee kaugnay sa mga kaso ng extrajudicial killings o EJKs.

Ayon kay Espinosa, sana ay mapatawad siya ni de Lima dahil nadala o naging uto-uto siya noon, kung kailan may pumilit umano sa kanya na idawit sa ilegal na droga ang dating Senadora gayung wala namang katotohanan.

Binanggit din ni Kerwin ukol sa isang picture kasama si de Lima, sinabi ni Espinosa na nagkataon lamang na pumasyal ang kanyang pamilya sa Baybay at nagkita sila ni de Lima doon at nagpa-litrato.

Gayunpaman, ito umano ang ginawang ebidensya para madiin si de Lima.

Matatandaan na si de Lima ay inaresto at nakulong dahil sa 3-counts ng drug-related cases. 

Ang mga ito ay ibinasura na ng Muntinlupa Regional Trial Court.

Sa kabilang dako, sa pagharap ni Kerwin sa quad comm inamin niya na binalaan siya ng kaniyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa na huwag na itong umuwi sa bansa dahil ramdam nito na may masamang mangyayari sa kaniya.

Dahil naramdaman umano ng kaniyang ama na may masamang mangyari sa kanilang dalawa.

Kinumpirma naman ng PDEA na ang mag-amang Espinosa ay kabilang sa drug list ng ahensiya.