Kinumpirma ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa House Quad Committee na si dating PNP Chief at ngayong Senator Ronald Dela Rosa ang nag pressure sa kaniya nuong 2016 para idiin sa illegal drugs si dating Senator Leila De Lima at ang negosyanteng si Peter Lim.
Ginawa ni Kerwin ang rebelasyon sa kaniyang testimonya sa Quad Comm kung saan kaniyang ikinuwento ang pinagdaan ng kanilang pamilya bilang biktima din ng extra judicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Ibinunyag din ni Espinosa na binantaan siya ni Dela Rosa na kapag hindi siya sumunod mangyayari din sa kaniya ang nangyari sa kaniyang ama o kung hindi sa isa sa kaniyang pamilya.
Maging ang aktor na si Leyter Rep. Richard Gomez ay nais din idiin sa iligal na droga, subalit hindi niya ito ginawa sa kabila ng pressure.
Napatay nuong 2016 ang ama ni Kerwin si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa na sangkot din sa illegal drug trade.
Aniya sa kaniyang pagbabalik sa bansa matapos mahuli sa Abu Dhabi, sinalubong siya ni Dela Rosa at inakbayan papunta sa sasakyan at nuong nasa loob na sila sa sasakyan inutusan siya nito na aminin na sangkot siya sa illegal drug trade sa bansa at idiin nito sina De Lima at Lim.
Pitong taon nakulong si De Lima at naabswelto sa lahat ng akusasyon laban sa kaniya.
Tinukoy naman ng dating Pangulong Rodrigo Duterte si Peter Lim bilang biggest drug dealers sa bansa.
Inihayag ni Espinosa na matagal na nilang hinihintay ang hustisya para sa kaniyang ama na biktima ng extra judicial killing (EJK).