-- Advertisements --

Binigyang diin ngayon ni Brooklyn Nets head coach Steve Nash na nagkausap na sila ng star player at forward na si Kevin Durant.

Anuman aniya ang nangyari sa mga nakalipas na panahon ay isinasantabi na at nakapukos na raw sila sa bagong pagsisimula ng NBA season.

Ginawa ng coach ang pahayag sa unang araw ng kanilang training camp.

Kung maalala noong kasagsagan ng summer, nagbigay ng kondisyon si Durant na babalik lamang siya sa team kung sisibakin ng management ang kanilang coach at ang general manager.

Aminado naman si Nash na marami silang dinaanan na problema noong nakalipas na season at kahit mabigat sa loob ay nasubok ang kanilang tatag at samahan.

Sa ngayon aniya ay maganda na ang kanilang samahan ni Durant at kahit papaano ay malalim naman ang kanilang samahan kahit noong sila ay nasa ibang team pa.

Ang bagong season ng NBA ay magsisimula na sa darating na Oktubre.