-- Advertisements --

OAKLAND, California – Nagpakitang gilas si Kevin Durant sa panalo ng Golden State Warriors sa Game 1 kontra Portland Trail Blazers, 121-109, na mistulang paramdam na baliwala sa kanya ang dinanas niyang knee injury kamakailan.

Kumamada si Durant ng 32 points at 10 rebounds sa kanyang debut sa playoffs sa ilalim ng Warriors.

Ang dating two-time MVP na si Stephen Curry ay hindi rin nagpahuli sa kanyang 29 points upang pigilan ang magandang shooting performance ng Blazers.

Nagsama ng puwersa ang Blazers tandem na sina Damian Lillard at CJ McColllum sa tangkang makuha sana ang unang panalo sa best-of-seven series.

Nasayang ang ginawa ni McCollum na playoff career-best na 41 big points habang si Lillard ay may 34.

Sa huli kasi nagawa ng Warriors ang big plays kabilang na ang mahalagang 3-pointer ni Curry.

Minalas pa ang Portland dahil sa hindi pa rin naglaro ang kanilang sentro na si Jusuf Nurkic bunsod ng injury.

Labis naman ang papuri ni Warriors coach Steve Kerr sa umano’y “amazing game” na ipinakita rin ni Draymond Green na tumipon ng 19 points, 12 rebounds, nine assists at five block shots at three steals sa all around game.

Ang Game 2 ay gagawin sa Huwebes sa Oracle Arena.

Nagmistula ring rematch ang opening game ng magkaribal na team dahil noong nakaraang season sa Western Conference ay nagwagi sa five game sa semifinals ang Warriors.