-- Advertisements --

Dumagdag pa si Cleveland Cavaliers forward Kevin Love sa humahabang listahan ng mga players na umatras sa training camp ng Team USA para sa FIBA World Cup.

Ito’y isang araw matapos namang mapaulat na umurong na rin sa World Cup si Damian Lillard.

Ayon kay Love, sinabihan na raw niya si Us coach Gregg Popovich ukol sa kanyang pasya nitong Miyerkules.

Maliban kina Love at Lillard, nauna nang nag-back out sina two-time scoring champion at 2018 NBA Most Valuable Player James Harden, Los Angeles Lakers big man Anthony Davis, Tobias Harris, DeMar DeRozan, Eric Gordon, C.J. McCollum, at Bradley Beal.

Kadalasang rason ng mga ito sa pag-atras ang paghahanda para sa paparating na NBA season o personal na dahilan.

Nauna na ring naghayag na hindi maglalaro para sa prestihiyosong torneyo sina LeBron James, Stephen Curry, Kawhi Leonard at Russell Westbrook, habang kasalukuyan namang nagpapagaling mula sa injury sina Kevin Durant at Klay Thompson.

Naglista si Love, na 22 beses lamang naglaro noong nakalipas na season dahil sa injury, ng 17.0 points at 10.9 rebounds noong 2018-19.

Sa kabila nito, hindi pa rin mauubusan ng opsyon ang Team USA sa kung sino ang nais nilang isabak sa kanilang lineup kahit kapos sa NBA stars.

Inaasahang mapapabilang sa roster sina Kyle Lowry ng Toronto Raptors, Boston Celtics guard Kemba Walker at Milwaukee forward Khris Middleton.