Inakusahan ng Saudi Arabia ang United Nations (UN) special rapportuer on extrajudicial killings na si Agnes Callamard dahil sa umano’y paglabag nito sa UN procedures hinggil sa isinasagawang imbestigayon sa pagpatay sa manunulat na si Jamal Khashoggi.
Hindi raw tatanggapin ng naturang bansa ang kahit anong pagtatangka ni Callamard na tanggalin sa ilalim ng kanilang national justice system ang kapangyarihan na isagawa ang imbestigasyon.
Hindi naman napigilan ng mga UN rights experts ang kanilang pagkainis sa tila hindi pagkilos ni UN Secretary-General Antonio Guterres na resolbahin ang naturang kaso.
Ayon kay Callamard, maaaring malagay sa panganib ang protection of free speech kung patuloy na ititikom ni Guterres ang kaniyang bibig.
Hindi rin umano susuko si Callamard sa kaniyang apela para sa isang international criminal investigation.
Tinawag naman ni Saudi Ambassador Abdulaziz al-Wasil na “prefabricated ideas” lang daw ang inilabas na ebidensya ni Callamard kung saan itinuturo nito na may kinalaman si Crown Prince Mohammed bin Salman at ang kaniyang kanang kamay sa pagkamatay at biglaang pagkawala ni Khashoggi.