-- Advertisements --

Kontrolado na rin ngayon ng Russian forces ang lungsod ng Kherson sa southern Ukraine matapos ang ilang araw na labanan sa pagitan ng dalawang bansa.

Kinumpirma ito ng alkalde ng nasabing lungsod na si Igor Kolykhaiev kasabay ng pagsasabi na nagpatupad na aniya ng curfew ang mga sundalo ng Russia na nandito.

Nakipag-usap na rin aniya ito sa mga naturang sundalo at hiniling na huwag nang magpaputok pa sa mga sibilyan, habang nanawagan ito sa mga residente na manatili na lamang ang ito.

Sa isang statement ay sinabi ni regional administration head Gennady Lakhuta na lubhang delikado na ang sitwasyon ngayon sa Kherson at nakakalat na sa buong lungsod ang Russian occupiers.

Samantala, sa kabila ng mga nangyayaring kaguluhan ngayon ay nagpahayag naman pa rin ng pagka-makabayan at katatagan sa kanyang facebook post ang alkalde ng Kherson.

Sa kabilang banda naman ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang isinasagawang opensiba ng Russian army upang tuluyan naman na masakop ang lungsod ng Kharkiv, gayundin ang capital city ng Ukraine na Kyiv.